/*
*/

Monday, August 6, 2007
last man running

sinabi ko sa isang blog ko na gusto kong magjogging. pinakalat ko ito sa paniniwalang makakatulong sa kin ang pagpapaalam nito sa iba. para may magtatanong kung nagawa ko nga ang desisyon ko. Sa mga nagtanong na di ko sinagot, Oo, nagawa ko.

bumangon ako ng alas-singko y medya ng umaga, pinaalarma ko pa ang cellphone ko para lang makasigurong may gigising sa akin. Dahil sabado kasi noon at wala akong inaasahang babangon ng ganon kaaga matapos paglamayan ang bubble gang kagabi. Nagulat pala ang nanay ko ng makitang naka-ayos ako na parang isporti. "Magjo-jogging ka?" "Sabi ko "Oo" sabay impake ng aking bakpak. Naglagay ako ng tubig, ekstrang damit at twalyang maliit sa loob ng aking bag. Gusto ko pa sanang maglagay ng sunblock, payong at banig, pero naalala ko hindi pala ako magbi-beach. Lumabas na ko ng pinto, handa, pero di alam kung san pupunta. "saan nga ba ko tatakbo?"

Naisip kong daanan ang sementeryo malapit sa bahay namin (awooooo!!!!!) may araw na nun (ok fine). Para kung saka-sakaling hindi sya bukas eh tutulak na ko papuntang quezon circle. Awa ng Diyos, bukas ang pintuan ng sementeryo, parang pintuan ng langit na nagsabi sa king "halika at nang makatipid sa pamasahe" Pumasok ako. Alam nyo yung pinapakita sa mga pelikula na papasok sa isang higanteng gate tapos may malawak na hardin at maraming mga anghel na nagsisilaro...ganun yung nakita ko. Isang malaking gate, malawak na hardin...na maraming marmol sa lapag, saka anghel, na marmol din, saka mga naglalaro at nagtatakbuhang mga tao...mga buhay pa naman at di kaluluwa.

Sinundan ko lang muna sila sa kanilang ruta na pa-counterclockwise, tinatantya ko pa kung itutuloy ko pa ang pag-jog. may mga kumukumbinsi sa king tumakbo...yung mga taong animo'y tomador na anlalaki ng tyan pero nagsisikap na tumakbo...kababae pa namang tao. Desidido na ko, kung kaya nila, kaya ko rin. Isang bagay ang nag-uugnay sa kin sa kanila, ang pagnanais na magehersisyo, may isang bagay din na nagtatangi sa kin sa kanila... napansin ko, ako lang ang may dalang bakpak.

Inikot ko isang beses ang rotondang tinatakbuhan nila at nakumbinsi akong ako lang talaga ang may dalang bag. grr. Pagtingin ko sa cellphone ko, ala-sais pa lang naman kaya naglakas muna ako pauwi at iniwan ang bag ko saka naglakad pabalik ng sementeryo. Ayos to, warm up na rin. At pagdating ko doon, nagsimula na akong tumakbo. Mga isang oras din akong patakbo-takbo at palakad lakad bago ko mapansing tumindi na ang sikat ng araw at ako na lang ang natitirang tumatakbo. Dahil doon nagpasya na kong umuwi.

Mag-isa pa rin akong naglalakad pauwi, pawis na pawis, pero natutuwa ako't nasimulan ko kahit papaano ang balak ko. Wala akong niyayang ibang tao para sumabay sa kin tumakbo. Wala kasing katiyakan kung tutuloy talaga ako sa "trip" ko. Pero dahil nagawa ko mag-isa napatunayan kong pwede naman palang maging pursigido, walang pumipilit, wala ding pumipigil, nagawa ko kasi malaya naman akong magdesisyon, para sa sarili ko, para sa ikabubuti ko.


nads on 10:29 AM